Bawat isa sa atin ay may natatanging bayani sa ating buhay. Mga bayaning direktang nakakaimpluwensya sa ating pamumuhay, bayaning tinitingala at nirerespeto natin. Ilan sakanila ay ang ating mga magulang na ginagawa ang lahat ng mga bagay upang maging mabuti at tuwid ang landas ng ating tinatahak. Nandyan din ang mga bayani ng ating bansa ang ating tinatamasang kasarimlan sa ngayon. Ngunit sa isang simpleng mamamayan meron ka bang maituturing na sarili mong bayani? Bayaning nakapagpabago, nagbago o patuloy na nakapagbabago ng buhay mo patungo sa mabuting landas.
Hindi lingid sa aking kaalaman ang kalagayan ng relasyon ng aking mga magulang. Hindi ko sila sinisisi sa naging sitwasyon ng aming pamilya, datapwa't naging masaya pa rin ako sapagkat maayos pa rin nila akong napalaki sa kabila ng pagkakaroon nila ng sari-sariling pamilya. Madami man akong kalokohan, hindi pagsunod sa aking magulang o naging matigas man ang aking ulo hindi ko pa rin naman maibibilang ang aking sarili na ako'y isang masamang tao. Dahil sa aming sitwasyon ako ay lumaki sa pangangalaga ng aking lolo at lola, kasabay nila sa pagpapalaki sa akin ay ang aking tiyuhing si Tito Nny. Siya halos ang tumayong pangalawang tatay sa akin. Siya na siguro ang maituturing kong bayani ng aking buhay, hindi lamang sa pinansyal na aspeto s'ya nakakatulong sa amin, gayun din sa kung paano dapat maging isang mabuting tao sa kabila ng pagkakaroon ng mga mabibigat na pasanin sa buhay. Halos lahat ng meron siya sa kanyang buhay ay ibinabahagi na nya sa amin. Pati ang pagkakaroon nya ng sariling pamilya ay ipinaubaya na nya, upang sa amin na lamang lubusang maglingkod. Alam kong hindi iyon patas, sapagkat nangangailangan din siya ng kalinga ng sarili niyang pamilya, ngunit dahil sa pagmamahal niya sa amin mukhang isinantabi na niya iyon. Doon ko lalong minahal at nirespeto ang aking Tito Nny. Hindi masalitang tao si Tito Nny, ngunit pag kami ng pamilya nya ang kanyang kasama ay lumalabas din ang kakulitan niya.
Taas noo kong ipinagmamalaki ang aking Tito Nny. Alam kong malayo pa ang aking lalakbayin upang maging isa akong taong katulad niya. Hanggang sa panahong ito ay patuloy pa rin siyang tumutulong sakin at sa aming pamilya. Alam kong hindi kami parehas ng tinatahak na landas ng aking Tito, pero hindi iyon hadlang para hindi ko masuklian ang kabutihang ipinapakita niya.
Darating ang panahon, lilipas ang mga alaala, magiging makakalimutin, kukulubot at manghihina ang aking Tito Nny. Ngunit hinding hindi ko makakalimutan ang mga bagay na itinuro niya sa akin, mga bagay na kahit sa aking pagtanda'y aking dadalhin at gagawin kong sandata at pundasyon upang maging mabuti na walang tinatapakang ibang tao. Lubos ang aking pasasalamat na siya ang aking naging tiyuhin, hindi ko man nasasabi o naipadarama sakanya, ngunit lubos ang pagmamahal ko sa kanyang buong pagkatao.
Para sa aking Bayani, Bayani na kailan man ay hinding hindi ko makakalimutan. Isang pagsaludo at pasasalamat sa impluwensya mo sa aking buhay at pagkatao. Si Tito Nny, ang aking titingalain, siya ang bayani ng buhay ko.